Pagkapraning sa hinaharap

Posted on November 11, 2010

5



May napulot na naman ako kanina mula sa dati kong guro, ang 84 taong gulang* na ama ng pilosopiyang Pilipino, si Padre Roque Ferriols, SJ. Matapos akong mangumpisal sa kanya kanina, napag-usapan namin ang samu’t saring bagay kabilang ang kamatayan.

“Kapag matanda ka,” aniya, “may kahiligan kang magtaka kung kailan ka na nga ba mamamatay. Lalo na kung katulad kong 84 na. Ang nanay ko, namatay sa edad na 104. Mahirap nang maabot ang 104 sa panahon ngayon. May kahiligan ka tuloy na palaging magtaka kung malapit ka na.”

“Pero hindi rin iyon mabuti. Dahil kung lagi kang mag-iisip kung kailan ka mamamatay … baka malimutan mo nang mabuhay. Walang dapat masayang na oras; mahalaga ang bawat sandali. Alam ng Diyos kung kailan ka mamamatay, kaya hindi mo iyon dapat alalahanin.”

Baka makatulong ito hindi lamang sa matatanda, kundi lalo sa mga praning sa hinaharap–na nalilimutan nang mabuhay sa kasalukuyan, at magpako ng pag-asa sa Lumikha.

*Originally posted on my old blog “Knock, Knock,” on February 5, 2009

Advertisements